Tatlo pang mahistrado ng Supreme Court ang nakatakdang imbitahan ng House Justice Committee sa pagpapatuloy ng pagdinig sa determination of probable cause sa reklamong impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa panayam ng Nueve Noventa Report kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na siya ring tumatayong chairman ng komite, sinabi nito na nagkaroon ng pagpupulong ang impeachment team ng Kamara at ito ang kanilang napagkasunduan.
Kabilang sa mga bagong mahistrado na padadalhan ng imbitasyon sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Lucas Bersamin at Diosdado Peralta.
Sinabi ni Umali na sesentro ang testimonya ng mga ito sa rules and regulations at procedure ng Supreme Court at ang mga grounds ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption at betrayal of public trust.
Pinag-usapan din ayon kay Umali ng impeachment team sa kanilang pulong ang mga maaring mangyari sa pagpapatuloy ng pagdinig ng kanyang komite sa January 15.
Muli din naman aniyang haharap sa pagdinig si Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro at iba pang mga taga Supreme Court.
Paliwanag ni Umali, hindi pa tapos ang pahayag ni De Castro sa komite kung saan nakapa-importante anya ng mga sasabihin nito sa reklamong impeachment sa punong mahistrado.
Kung kakayanin ayon sa mambabatas, target nila na matapos na ang pagdinig ngayong Pebroro bago dahil ito sa plenaryo ng Kamara at sa Holy Week break ay gagawin nila ang articles of impeachment na siyang ia-akyat sa Senado na tatayong impeachment court.