Maliban sa Maynila, inaasahan din ang pagdagsa ng libu-libong deboto ng Jesus Nazareno Parish sa Cagayan de Oro simula sa araw ng Lunes hanggang Martes.
Ito ay para ipagdiwang ang Pista ng Itim na Nazareno sa lugar.
Ayon sa Northern Mindanao police, naghanda sila ng security measures para matiyak ang maayos na selebrasyon ng pista.
Kasama ang Armed Forces of the Philippine, magpapakalat ng mga pulis sa paligid ng simbahan at maging sa ruta ng isasagawang traslacion o prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno.
Maliban dito, sinabi ni Northern Mindanao police director Chief Supt. Timoteo Pacleb na gagamit din ang mga opisyal ng drones para matutukan ang galaw ng prusisyon.
Nagpatupad naman si Mayor Oscar Moreno ng liquor ban sa loob ng 300-meter radius mula sa ruta ng prusisyon.
Samantala, napagkasunduan naman ng pamunuan ng naturang simbahan na idaan ang imahe ng Itim na Nazareno sa orihinal na ruta nito.
Nakatakdang magsimula ang prusisyon sa St. Augustine Metropolitan Cathedral, ganap na 5:00 ng umaga sa araw ng Martes, at magtatapos sa simabahan ng Nazareno.
Inaasahang magtatagal ang traslacion sa lugar nang dalawang oras.