Ikinalugod ng pamahalaan ng Pilipinas ang nakatakdang muling pag-uusap ng North Korea at South Korea upang muling pagandahin ang may lamat nitong relasyon.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ni South Korean Unification Ministry Spokesman Baik Tae-hyun na tinanggap ng North Korea ang alok nilang pakikipag-negosasyon.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, umaasa ang pamahalaan na ang desisyon ng dalawang bansa na muling makapag-usap ay hindi lamang magresulta sa ‘denuclearization’ ng Korean Peninsula kundi magbunga rin ng kapayapaan sa rehiyon at sa buong Asia-Pacific.
Iginiit ni Cayetano na sa simula pa lamang ay nais na ng bansa ang mapayapa at diplomatikong resolusyon sa mga isyu sa pagitan ng dalawang bansa.
Magaganap ang pag-uusap sa border village ng Panmunjom na nasa pagitan ng dalawang bansa sa January 9.