Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Jesrell Arador alyas Budoy, 31 taong gulang at residente ng Hontiveros Compound sa Barangay San Antonio.
Ayon sa hepe ng Parañaque City Police na si Senior Superintendent Leon Victor Rosete, kasalukuyang nasa ospital si Arador matapos nitong mabalian ng buto sa kanang braso.
Sinasabing nagtangkang tumakas ang suspek at tumalon mula sa ikalawang palapag ng kanyang barung-barong nang ito ay hulihin ng mga otoridad.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na may lamang limang bala.
Ani Rosete, positibong kinilala ng isa sa mga nabiktima si Arador na kasama sa mga nagnakaw sa gotohan bandang alas-2:30 ng madaling araw ng January 4. Tinatayang nasa P40,000 ang kabuuang halaga ng mga tinangay na cellphone at pera ng mga suspek na pawang mga nakasuot ng helmet.
Una nang nagbigay ng 48-hour ultimatum si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Oscar Albayalde kay Rosete para maresolba ang kaso kundi ay matatanggal ito sa kanyang pwesto.
Malugod naman itong tinanggap ni Rosete bilang isang ‘challenge.’ Aniya, patuloyang isinasagawang manhunt operations ng mga otoridad para matunton ang tatlo pang mga suspek.