Reyes Brothers sa PNP custodial center muna ikukulong

Joel Mario
Kuha ni Erwin Aguilon

Matapos makabalik ng bansa, ikukulong muna sa Philippine National Police custodial center ang magkapatid na Joel at Mario Reyes.

Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, dahil holiday ngayong araw, walang pasok sa mga korte kaya hindi agad maisasagawa ang ‘return of the warrant’ para sa magkapatid.

Sinabi ni Marquez na sa sandaling magbukas ang mga korte, agad ibabalik ang warrant at hihintayin ang commitment order upang matukoy kung saan sila ide-detain.

Pansamantala ayon kay Marquez, habang hinihintay ang commitment order, mananatili sa custodial center ng PNP ang magkapatid na Reyes.

Tiniyak naman ni Marquez na walang mangyayari sa dalawa habang nasa PNP. “We can assure everybody na walang mangyayari sa kanila, ilang APEC meeting na ang nai-secure namin kaya walang reason para ang dalawang tao na iyan ay hindi mase-secure ng PNP,” sinabi ni Marquez.

Samantala, sinabi ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Acting Director Victor Deona, February 4, 2015 nang makatanggap sila ng kumpirmasyon mula sa pamahalaan ng Thailand na pumasok sa nasabing bansa ang magkapatid na Reyes.

September 2015 naman nang may hindi nagpakilalang impormante ang nagsabi sa PNP hinggil sa kinaroroonan ng magkapatid.

September 18, kinumpirma ng Thai Police sa pamahalaan ng Pilipinas na natagpuan nga ang Reyes Brothers sa lugar na ibinigay ng CIDG informant. At noong September 20, inaresto sa Phuket ang magkapatid dahil sa pagiging overstaying o paglabag sa immigration law ng Thailand.

Ang magkapatid na Reyes ay naisailalim na sa medical examinations at sa booking process sa CIDG kanina kung saan sila idineretso matapos dumating sa NAIA terminal 2 bago mag alas 4:00 ng umaga.

Matapos ang press briefing sa Crame ay sandali ring iniharap sa media ang magkapatid.

Read more...