Faeldon, hindi pinayagang lumabas ng Senado para manumpa sa OCD

INQUIRER FILE

Ibinasura ni Senador Richard Gordon ang apela ni dating Customs commissioner Nicanor Faeldon na lumabas ng Senado para manumpa bilang deputy administrator ng Office of Civil Defense (OCD).

Ayon kay Gordon, ito ay para maiwasan ang constitutional crisis. Aniya, posibleng gamitin ni Faeldon ang kanyang posisyon sa ehekutibo para makalaya sa pagkakadetine sa Senado.

Sinabi ni Gordon na isa lamang ito sa iba pang kahilingan ni Faeldon, kabilang ang pagdalo sa traslacion ng Itim na Nazareno.

Ayon sa senador, magiging mapanganib sa opisyal ng OCD na dumalo sa traslacion, at hindi rin matitiyak ng Office of Sergeant-At-Arms ng Senado ang kaligtasan ni Faeldon sa milyun-milyon katao.

Dagdag ni Gordon, maaari namang dumalo si Faeldon sa mga misa sa Senado. Una na ring iminungkahi ni Gordon na maaari ring isagawa ni Faeldon sa Senate premises ang kanyang panunumpa bilang deputy administrator ng OCD.

Si Faeldon ay nakadetine sa Senado matapos i-contempt ng Senate blue ribbon committee dahil hindi siya nakipagtulungan sa pagdinig ng Senado ukol sa 6.4 bilyong pisong shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs.

Read more...