‘No-el’ scenario, mind-conditioning lang ng Palasyo – Sen. Hontiveros

Inquirer file photo

Tinawag ni Sen. Risa Hontiveros na mind-conditioning lamang ng pamahalaan ang pagpapalutang ng usapin ng ‘No-Elections’ sa 2019.

Ayon kay Hontiveros, ang ‘no-el’ scenario maging ang usapin ng sinasabing compromise agreement sa pagitan ng pamilya Marcos ay isang paraan ng gobyerno para sukatin ang pulso ng publiko para malaman kung tatanggapin ba ito o hindi.

Nauna ng inamin ng kilalang Marcos loyalist si Atty. Oliver Lozano ang katotohanan sa nabanggit na kasunduan na magbibigay ng ‘criminal immunity’ sa mga Marcoses kapalit ng pagsasauli ng kanilang ill-gotten wealth.

Giit ni Hontiveros, ang tinawag niyang ‘political projects’ na ito ay pinalulutang mismo ng mga lider ng Ehekutibo at ng Kongreso upang kontrolin ang opinyon ng publiko.

Dahil dito pinayuhan ni Hontiveros ang taumbayan na maging mapag-suri sa mga issue at huwag hayaang magpadikta sa mga gahamang interes ng iilan.

Dapat din umano na ipakita ng publiko ang kanilang lakas sa mga kalsada para maiparating ang kanilang hinaing sa kabila umano ng matinding pressure mula sa gobyerno.

 

Read more...