Mga Pinoy sa northeastern US, pinag-iingat sa ‘bomb cyclone’

Mahigpit na pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasa 340,000 na mga Pilipinong naka-base sa northeastern United States dahil sa inaasahang pagtama ng “bomb cyclone” o malakas na snowstorm doon.

Sa inilabas na pahayag ni DFA Sec. Alan Peter Cayetano, inabisuhan niya ang mga Pinoy na manatiling nakaantabay sa mga weather reports at lumikas na kung kinakailangan lalo na kung ito na ang iniuutos ng mga otoridad.

Kabilang din sa mga payo ni Cayetano sa mga Pinoy ay ang iwasan muna ang pag-biyahe kung hindi naman kinakailangan, at maghanda ng mga emergency contact numbers bilang paghahanda sa matinding lagay ng panahon.

Paliwanag ng DFA, ang isang “bomb cyclone” ay isang meteorogical phenomenon na tinatawag na “bombogenesis” o “area of rapidly declining pressure.”

Inaasahang magdudulot ito ng winter winds na kasing-lakas ng hurricane at mula anim hanggang 12 pulgada ng nyebe sa New England states, habang tatlo hangang anim na pulgada naman sa New York, New Jersey at Connecticut.

Samantala, nakaalerto at nakaantabay na rin sa sitwasyon ang mga volunteers sa ilalim ng warden system ng Philippine Consulate General sa New York.

Read more...