Duterte, nais paigtingin ang maritime security sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na paigtingin ang ugnayan ng Pilipinas sa Indonesia kaugnay ng maritime security.

Inihayag ng pangulo ang kanyang intensyon na pagbutihin ang maritime security cooperation ng Pilipinas sa Indonesia para mapigilan ang mga terorista na pumasok sa bansa.

Pahayag ito ni Duterte sa courtsey call ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi sa presidential guest house sa Davao City.

Ayon sa Malakanyang, sa gitna ng rehabilitasyon ng Marawi City ay nais ng pangulo ang mas maigting na seguridad sa karagatan dahil patuloy na pumapasok at lumalabas ng Pilipinas ang mga dayuhan at lokal na terorista sa kabila ng pagtugis ng militar.

Bukod sa maritime security at terrorism, inihayag din ni Duterte ang pagpapatuloy ng Philippines-Indonesia routes para mas mapalakas ang kalakalan ng dalawang bansa.

Sa kanya namang panig ay ipinarating ni Retno kay Duterte ang kagustuhan ng Indonesia na bigyan ng mga pasaporte ang nasa tatlong daan Indonesian descents na nakatira sa Mindanao.

Read more...