Kailangan munang ubusin ng mga oil companies ang kanilang lumang stocks bago pa ipatupad ang pagtaaas ng excise tax sa kanilang mga produktong petrolyo.
Ito ang iginiit ng Department of Energy sa gitna ng mga katanungan ng publiko hinggil sa magiging epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN sa mga petroleum products.
Kahapon, pinulong ng DOE ang mga kinatawan ng iba’t ibang oil companies upang hingin ang kooperasyon ng mga ito sa isyu ng dagdag na excise tax sa ilalim ng TRAIN.
Paliwanag ng DOE, hindi pa dapat magkaroon ng biglaang pagbabago sa presyo ng mga petroleum products sa mga susunod na araw dahil may nalalabi pang stocks noong nakaraang taon ang mga kumpanya ng langis.
Ito aniya ay may katumbas na 15 araw ng stock na nagsisilbing buffer sa kanilang supply.
Kung magkakaroon man aniya ng pagtaas sa presyo ng mga oil products dahil sa dagdag na excise tax, ito ay dapat maging epektibo sa pagsapit ng January 16.
Nangako naman ang DOE na patuloy na babantayan ang supply ng produkto ng mga oil companies upang matiyak na hindi basta-basta magtataas ang mga ito ng presyo.
Sa panig naman ng mga oil players, nangako ang mga ito na magpapaskil ng mga kaukulang ‘notice’ bago ipatupad ang dagdag na excise tax na kanilang ipapataw sa kanilang mga produkto.
Sa ilalim ng dagdag na excise tax na napapaloob sa TRAIN, inaasahang madadagdagan ng hanggang P2.97 ang kada litro ng gasolina, P2.80 ang kada litro ng diesel, P3.36 per liter sa kerosene at P1.12 per kilogram naman sa liquefied petroleum ga o LPG.