Dinala na sa East Avenue Medical Center ang isang lalaki matapos itong magtamo mga galos sa katawan at halos hindi na makagalaw dahil sa aksidente.
Kwento ng motorcycle rider na si Jaime Felicis na nagtamo rin ng kaunting sugat sa binti, nag-cut umano sa kanila ang isang jeep habang binabaybay nila ang Commonwealth Avenue. Dahilan aniya ito upang mawalan siya ng balanse at kontrol sa kanyang motor na bumangga sa mababang concrete separator sa kalye.
Pagbangga sa concrete separator ay kapwa tumilapon si Felicis at angkas na si Villamor Esguerra na siya namang nagtamo ng seryosong mga galos sa katawan.
Parehong may suot na helmet ang dalawa, ngunit pareho rin silang nakainom at amoy alak.
Reklamo pa ni Felicis, binugbog umano siya ng mga kawani ng barangay.
Ngunit paglilinaw ni Gena Fuentes, BPSO ng Barangay Commonwealth na silang unang rumespunde sa aksidente, habang binabantayan niya si Esguerra ay wala naman siyang napansin na nagkaroon ng komosyon at pambubugbog.
Aniya, sakaling nabugbog man si Felicis ay tiyak siyang hindi ito kawani ng barangay at posibleng mga usisero ang may gawa nito.
Ayon pa kay Fuentes, nagpupumilit si Felicis na paupuin at buhatin ang kasamahan.
Reklamo nito, walang agad na nagdala sa kanyang angkas papuntang ospital, kaya naman gusto niyang ibalik sa motor si Esguerra para siya na mismo ang magdala dito sa ospital.
Ayon naman kay Fuentes, accident-prone talaga ang naturang lugar.