Pinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection sa Panacan Malacañang of the South sa Davao City.
Makalipas ang pagsalubong sa Bagong Taon sa kanilang bahay ay tumutok na ang pangulo sa pagmomonitor sa isang malaking sunog na naganap sa Barangay Wilfredo Aquino sa Agdao District kasama si Presidential Special Assistant Bong Go.
Umaabot sa 50 mga kabahayan ang natupok sa sunog na pawang mga gawa sa mga light materials.
Inutusan rin ng pangulo ang mga lokal na opisyal ng lungsod na ibigay ang mga kinakailangang tulong ng mga nasunugan.
Gustong linawin ng pangulo kung bakit nangyari ang magkakasunod na sunog sa lungsod.
Magugunitang noong December 23 ay tinupok rin ng isang malaking sunog ang NCCC Mall na nagresulta sa kamatayan ng 38 katao.
Sa ginaganap na pulong, sinabi ni Duterte na gusto niyang malaman kung pagkukulang ba sa pagresponde ng 911 emergency response.
Makalipas ang Rizal Day celebration sa Luneta sa Maynila noong Disyembre 30 ay kaagad na lumipad ang pangulo patungo sa Davao City kung saan siya ay namamalagi hanggang sa mga oras na ito.
Walang ibinigay na detalye ang Malacañang kung kailan babalik sa Maynila ang pangulo.