Hinimok ng kampo ng pamilya Ortega si Justice Secretary Leila de Lima na muling pag-isipan ang desisyon na huwag na munang aksyunan ang kanilang petition for review dahil sa paniwalang mapapahina nito ang nakabinbing apela ng DOJ sa Korte Suprema.
Sinabi kasi ni de Lima na nagdadalawang isip siya na desisyunan ang petition for review ng mga Ortega sa findings ng naunang panel of prosecutors na nag-aabswelto kina Dating Palawan Governor Joel Reyes at Dating Coron Mayor Mario Reyes sa pagpatay kay Doc Gerry Ortega.
Nababahala kasi ang kalihim na makaapekto iyon sa inihain nilang apela sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa desisyon ng Court of Appeals pabor sa magkapatid na Reyes.
Pero sa isang pahayag, iginiit ni Atty. Alex Avisado, abugado ng mga Ortega, na ang pagdedesisyon ng DOJ sa petition for review ay kailangan para maiwasan ang tinatawag na “miscarriage of justice.”
Hindi raw kasi malabo na mabasura ang kaso sa Korte Suprema dahil sa teknikalidad.
Hindi naman daw kailangang bawiin ng DOJ ang apela sa Korte Suprema dahil kapag nadesisyunan na ang petition for review, idedeklara lamang na moot and academic na ang apela sa Kataas-taasang Hukuman.
Naniniwala rin si Avisado na walang legal na balakid para resolbahin ni de Lima ang petition for review lalo pa’t mismong ang Court of Appeals na ang nagsabi na sa halip na bumuo ng ikalawang panel, ang mas mainam na ginawa ng DOJ ay aksyunan ang petition for review.