Isa pang opisyal ng gobyerno, sisibakin sa pwesto ni Pang. Duterte

Isa pang opisyal ng gobyerno ang nakatakdang sibakin sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isang top-level government official ang aalisin sa tungkulin.

Sinabi ni Roque na dapat ay gagawin ito ng pangulo sa unang araw ng 2018 pero ipinayo niya na gawin na lang sa Miyerkules,  Enero 3, 2018, para hindi masira ang pagsalubong sa Bagong Taon ng hindi niya matukoy na opisyal.

Tumanggi naman si Roque na tukuyin kung sino ang nasabing opisyal at kung ano ang ginawa nito, “Hindi sa kung ano ang ginawa, kundi talagang ipinapakita ng president na seryoso siya hindi lamang sa giyera sa ilegal na droga kundi sa maging sa giyera laban sa katiwalian sa gobyerno. Ayaw na ayaw niya yung mga corrupt. Ayaw na ayaw niya yung mga nagdya-junket.”

Dagdag pa dito, iginiit ni Roque na matagal nang binabalaan ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng pamahalaan na masasangkot sa katiwalian, “Dati na naman niyang sinabi na binabantayan niya yung mga taong gobyerno na mahilig mag-junket.  Kasi kapag ikaw ay nag-junket, gumagastos ka ng pera ng taumbayan na dapat sana ay napupunta sa mga pangangailangan ng taumbayan at bukod pa diyan ay yung oras na nawawala.”

Read more...