Isang 10 gulang na lalaki na tinamaan ng ligaw na bala ang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Tama sa balikat na tumagos malapit sa atay ang tinamo ng biktima na nakilalang si Joven Earl Gaces na nakatira sa Maypajo, Caloocan City.
Ayon sa ina ng biktima na si Malou Gaces, may nag-aaway sa kanilang lugar nang bigla na lamang sila nakarinig ng putok ng baril.
Dito na pala, tinamaan ang kanyang anak na tyempo namang nasa labas ng kanilang bahay sa mga oras na iyon pasado ala-1:00 ng madaling araw.
Naialis naman na ang bala sa tyan ng bata at patuloy itong nagpapagaling.
Samantala, kahit na kaliwa’t kanan na ang mga paalala ng otoridad na bawal ang magpaputok ngayong Bagong Taon, hindi pa rin napigilan ng ilan na gumamit nito.
Sa Jose Reyes Memorial Medical Center, nasa 16 na insidente ng naputukan ang kanilang naitala sa December 31 ng 2017 habang 12 naman mula madaling araw ng January 1, 2018.
Pinakarami dito ay insidente ng naputukan ng ipinagbabawal na Piccolo na umabot sa 21.
Samantala, nangangamba naman ang isang 7-taong gulang na batang lalaki na maputulan ng kanang kamay dahil naputukan ng pinulot nyang paputok.
Mula December 21, 2017 ay nakapagtala na ang JRMMC ng 41 fire cracker related injuries.