Bangkang natagpuan sa Davao Gulf ‘di kumpirmadong ginamit sa Samal kidnapping

samal island kidnapHindi pa tiyak kung ang bangkang nakitang inabandona sa Davao Gulf nga ang ginamit mga suspek sa pagdukot sa 3 dayuhan at isang pinay sa Samal Island.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Restituto Padilla, pinag-aaralang mabuti ang nasabing impormasyon upang matukoy kung ang nasabing motor banca nga ang sinakyan ng mga suspek bitbit ang mga bihag.

Ayon kay Padilla, lahat ng natatanggap na impormasyon ng binuong special investigation task group ay masuring pinag-aaralan.

Posible kasi aniyang taktika lang iyon ng mga abductors para iligaw o guluhin ang mga otoridad na kumikilos laban sa kanila.

“‘Yung abandoned motorbanca na nakita sa Davao Gulf, hindi conclusive ang findings, ina-assess na mabuti kung iyon talaga ang ginamit. Lahat po ng information ay kailangang i-verify dahil baka ang layon ay i-distract ang ating mga otoridad,” ayon kay Padilla.

Sinabi ni Padilla na matapos ang insidente ng kidnapping, agad na nagpatupad ng island wide alert para hindi makalabas sa mga malalapit na isla ang mga abductors.

Samantala, sinabi ni C/ Supt. Federico Dulay, over-all commander ng Special Investigation Task Group (SITG) Ocean View na patuloy ang pagkalap nila ng mga impormasyon para sa ikadarakip ng mga suspek at upang mailigtas ang mga bihag.

Hanggang sa ngayon ay wala aniyang ibinibigay na demand ang mga abductors at hindi pa rin tukoy kung sa anong grupo sila kasapi.

Patuloy aniyang minamanmanan ang mga karagatan at mga lugar na maaring pinagdalhan sa mga biktima.

Kahapon ay sinuyod ng daan-daang pulis at elite army troops, kasama ang patrol boats ng Philippine Navy ang tatlong lalawigang nakapaligid sa Davao Gulf pero walang naging ‘breakthrough’ ang operasyon.

Read more...