Ilan sa mga nagtitinda ang nagsabi na bumaba ng hanggang 70% ang bentahan ng mga paputok.
Ito ay bunsod ng mas mahigpit na regulasyon ng pamahalaan partikular ang Executive Order 28 na nagtatakda lamang ng mga lugar kung saan pwedeng gamitin ang mga firecrackers.
Ayon kay Police Deputy Director General Fernando Mendez Jr., na tubong San Miguel, ilang mga gumagawa ng paputok ang nagsabi sa kanya na bumaba na sa 50 hanggang 70 percent ang bentahan ng mga paputok.
Giit anya ng mga ito, sa katulad na petsa noong mga nakaraang taon ay masikip na ang daloy ng trapiko sa McArthur Highway at Gov. Halili Avenue sa Bocaue dahil sa buhos ng mga mamimili mula sa Metro Manila at karatig-lugar.
Nakadagdag pa anila ang hindi agad pag-aanunsyo ng mga firecracker zones dahilan upang hindi agad makabili ang publiko ng mga pinapayagang firecrackers.
Ilan sa mga pinakamabiling paputok ay ang sawa, five star at kwitis na pinapayagan lamang sa mga firecracker zones.