Hindi bababa sa pito ang nasawi sa pamamaril sa isang Coptic church sa mga sumasamba at security forces ng Egypt sa Cairo.
Kabilang sa mga nasawi ay isang pulis na nagbabantay sa labas ng simbahan.
Ayon sa Interior Ministry, naaresto naman ng mga otoridad ang suspek na nasugatan sa pag-responde ng mga pulis sa insidente.
Unang namaril ang suspek sa isang shop apat na kilometro ang layo mula sa simbahan kung saan dalawang iba pa ang nasawi.
Pagkatapos nito ay saka tumungo ang gunman sa Mar Mina church sa liblib na lugar sa Helwan, kung saan muli siyang namaril at nagtangka pang maghagis ng pampasabog.
Ayon pa sa ministry, agad na hinarap ng mga otoridad ang suspek na kalaunan ay kanilang naaresto.
Wala pa namang umaako sa nasabing pag-atake, pero tiniyak ng mga otoridad na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa insidente.