Pagpatay kay Karen Montebon, case closed na

Karen Kaye Montebon, FACEBOOK PHOTO
Karen Kaye Montebon, FACEBOOK PHOTO

Matapos matagpuang patay ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 17 anyos na estudyanteng si Karen Kaye Montebon, idineklara nang “case closed” ng mga pulis ang nasabing kaso.

Bagaman hindi pa rin nalalaman kung sinong pumatay kay Ruben Fernandez, kumbinsido naman si Lapu-Lapu City police chief Senior Supt. Armando Radoc na si Fernandez lang talaga ang tanging pumatay kay Montebon, at hindi rin siya isang “fall guy”.

Ayon sa mga pulis, si Fernandez ay gumagamit ng ilegal na droga at tatlong beses nang nakulong dahil sa mga kasong pagnanakaw. Nakalaya siya noong September 2014 matapos ang dalawang taong pagkakakulong sa Lapu-Lapu City Jail.

Narekober ng mga pulis ang karamihan sa mga gamit na ninakaw ni Fernandez, kabilang na ang DSLR camera ni Montebon na isinangla ng suspek sa halagang P5,000, hikaw at kwintas, Play Station portable at pares ng tsinelas na suot pa rin ng suspek nang siya ay matagpuan.

Ani Radoc, walang katuturan ang mga akusasyon na si Fernandez ay isang fall guy lamang dahil nasa kanila na ang lahat ng ebidensyang nagtuturo sa suspek.

Sinundo naman ng mga pulis si Jenalyn Soon, ang live-in partner ng suspek, sa isla ng Olango sa Lapu-Lapu para hingan ng mga pahayag, kung saan kinumpirma niya na ang naiwang tsinelas sa bahay nina Montebon ay pag-aari ni Fernandez.

Ayon kay Radoc, bagaman hindi lahat, inilahad ni Soon sa kanila ang kaniyang mga nalalaman tungkol sa insidente. Aniya, medyo natagalan pa nga bago umamin si Soon na pumasok sa bahay ni Montebon si Fernandez noong Sept. 15.

Nagkaroon naman ng maramdaming komprontasyon sa pagitan ng ina ni Montebon at ni Soon, kung saan naglabas ng hinanakit ang ina ni Montebon sa sinapit ng kaniyang anak.

Matatandaang ang dahilan kung bakit pumunta sina Soon at Fernandez sa bahay ni Montebon ay para tanungin kung may ipinadala ba ang kapatid ni Soon sa pamamagitan ng ina ni Montebon, tulad ng lagi nitong ginagawa.

Iginiit ni Soon na wala siyang kinalaman sa krimen, at kalaunan ay humingi ng tawad sa pamilya ng biktima dahil sa pagpapapasok nito sa kaniyang live-in partner as bahay ng pamilya Montebon.

Idinetalye ni Soon sa mga imbestigador na matapos ang kanilang pagpunta sa bahay ng biktima, umalis na sila ni Fernandez sakay ang isang motorsiklo. Pero, ibinaba siya ni Fernandez sa bandang Sitio Mahayahay sa Barangay Bangkal dahil sabi ng suspek, nawalan sila ng krudo at kailangan niyang palagyan ito muli, at wala siyang ideya na babalik pala ito sa bahay ng biktima para gawin ang krimen.

Dahil sa kaniyang mga testimonya, hindi na nadawit pa sa kaso si Soon ani Radoc kaya napalaya na rin siya mula sa kustodiya ng mga pulis kahapon.

Sa ngayon naman ay inaalam pa ng mga pulis sa bayan ng Getafe sa Bohol kung sino ang pumatay kay Fernandez at kung sa anong motibo.

Ayon sa kanilang hepe na si Insp. Marcelino Mejias, pinoproseso na nila ang imbestigasyon. Dagdag pa niya, hindi rin nakita ng mga residente sa lugar kung sino ang pumatay dahil agad anila silang nagtago matapos makarinig ng mga putok ng baril.

Kinumpirma rin ni Mejias ang ulat na walang namataang baril malapit sa bangkay ng suspek, pero nakakita sila ng dalawang basyo ng bala sa paligid ng pinangyarihan ng krimen.

Read more...