Lalaking may kaso ng kidnapping at arson, arestado sa T’Boli, South Cotabato

Arestado ang isang lalaki sa Barangay New Dumangas sa bayan ng T’Boli, South Cotabato dahil sa standing warrant of arrest nito para sa kasong kidnapping and illegal detention at arson.

Kinilala ang suspek na si Rey Blasse, 44 taong gulang na sinasabing isang miyembro ng komunistang rebeldeng New People’s Army (NPA).

Ayon sa hepe ng T’Boli Police Station na si Police Chief Inspector Ramil Villagracia, miyembro umano si Blasse ng Front Committee 73 ng NPA.

Ang naturang grupo ang itinuturong sangkot sa panununog ng construction equipment sa Sitio Palen, Barangay Edwards. Sila rin umano ang dumukot sa kay Private First Class Khen Subere na isang miyembro ng 27th Infantry Battalion.

Batay sa impormasyong hawak ng mga pulis, ikatlong pinuno ng grupo si Blasse.

Samantala, mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang na miyembro siya ng rebeldeng komunistang grupo.

Read more...