Huling hatol sa kaso ng citizenship ni Poe, nasa poder ng Korte Suprema – Ex-CJ Puno

grace-poe2Nilinaw ni dating Chief Justice Reynato Puno na ang Korte Suprema pa rin ang magpapataw ng huling hatol o desisyon sa mga isyung hawak ngayon ng Senate Electoral Tribunal (SET) hinggil sa citizenship ni Sen. Grace Poe.

Ani Puno, anumang desisyon ng SET ukol dito ay maaari pa ring iakyat sa Korte Suprema, dahil aniya, pagdating sa “interpretation of the law”, ang huling hatol ay laging manggagaling sa kataas-taasang hukuman.

Hindi rin aniya ito puwedeng pigilang mangyari dahil kung ito ay sakop ng Konstitusyon, sakop ito ng hurisdiksyon ng Korte Suprema.

Ayon pa kay Puno, mas maigi nang maglabas ng order ang SET na magsagawa ng DNA test para kay Poe para mapatunayang natural-born Filipino ang senadora na kasalukuyang kinukwestyon at hinaharangan ang pagtakbo sa 2016 elections.

Mababatid kasi aniya na ang pagsasailalim ni Poe sa DNA procedure kamakailan lamang ay “independent” na isinagawa.

Aniya, mayroong kaukulang pamamaraan para sa ganitong proseso, kaya mas maigi kung mangagaling sa SET ang utos na isagawa ito, at ipatawag ang lahat ng partido para imungkahi ang tamang proseso na ipapagawa rin sa isang independent institution nang sa gayon ay walang kukuwestiyon sa resulta.

Hindi naman diretsahang sinagot ni Puno kung ang magiging resulta ng DNA test ay tatapos sa isyu ng citizenship ni Poe.

Sakaling hindi maging pabor kay Poe ang hatol sa kaso, hindi maaaring magpatuloy si Poe sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa susunod na halalan.

Read more...