Mga dinukot mula sa Samal Island, nadala na sa Davao Oriental

samal island kidnapNalusutan ng mga dumukot sa tatlong dayuhan at isang Pinay ang cordon ng Philippine Navy at nadala ang mga hostage sa liblib na bulubundukin sa Davao Oriental.

Sinusuyod ng daan-daang pulis at elite Army troops, kasama ang mga patrol boats ng Philippine Navy, ang tatlong probinsyang nakapaligid sa Davao Gulf para hanapin ang mga kidnapper at ang kanilang mga hostage.

Ngunit ayon kay Davao Oriental police chief Senior Supt. Joseph Sepulcre, wala pa ring “breakthrough” sa kanilang operasyon.

Sa kabila ng pagpapaigting ng seguridad, ayon kay Davao region police commander Senior Supt. Aaron Aquino, nakatanggap sila ng impormasyon na namataan ang armadong grupo bitbit ang mga hostage sa Davao Oriental.

Sinusundan na aniya ng mga Scout Rangers ang track ng mga ito habang nakahanda na ang Air Force na sa posibleng insertion.

Nag-set up na rin ang mga pulis at Navy ng boat blockade sa paligid ng Samal Island para mapigilan ang pagtakas ng mga suspek.

Base sa mga inilahad na impormasyon ni Aquino, lumalabas na nalusutan sila ng mga kidnappers at nag-layag ng 50 kilometro pasilangan ng Davao Oriental.

Sa ngayon, naghihintay pa ang grupo ni Aquino ng tawag mula sa mga kidnapper para malaman kung ano ang kanilang demand kapalit ng kalayaan ng mga biktima.

Matatandaang naganap ang pagdukot sa mga dayuhang sina John Ridsdel, Robert Hall, at Kjartan Sekkingstad, kasama ang Filipinang si Maritess Flor sa Island Garden City of Samal noong 11:30 ng gabi ng Lunes.

Hindi pa rin malinaw sa mga kinauukulan kung anong grupo ang nasa likod ng pagdukot, maging ang motibo ng mga ito kung bakit ito ginawa.

Read more...