Mga nawalan ng trabaho dahil sa nasunog na NCCC Mall, bibigyan ng emergency employment ng DOLE

INQUIRER | BARRY OHAYLAN

Bibigyan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasa 2,900 na mga empleyado ng nasunog na NCCC Mall sa Davao City ng isang buwang emergency employment.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, ang pamahalaan ang maglalaan ng pondo para sa naturang programa.

Ngunit para sa workers’ group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), kailangan munang bigyang hustisya ng pamahalaan ang pagkamatay sa 37 mga empleyado ng Survey Sampling International (SSI) at isang kawani ng naturang mall.

Ayon sa grupo, kailangang isapubliko ng DOLE Davao office ang labor inspection report na kanilang isinagawa sa SSI bago ang naganap na sunog. Ito anila ay para malaman kung mayroon bang sapat na fire protection equipment kagaya ng fire extinguisher, fire hoses, at fire detection devices ang opisina nito.

Paglilinaw ng ALU-TUCP, hindi limitado ang labor inspection sa mga wage at benefit compliance ng mga kompanya.

Para pa sa grupo, mali na magkaroon ng call center companies sa mga mall dahil mayroong partikular na disenyo na kailangan para sa 24 na oras ng operasyon ng mga ito.

Samantala, ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte, sagot ng lokal na pamahalaan ng Davao ang funeral para sa mga biktima at magbibigay aniya rin sila ng cash assistance sa mga naiwang pamilya ng mga ito.

Nangako rin aniya ang China at SSI na bibigyan ng tulong pinansyal ang mga pamilya ng mga biktima ng sunog.

Read more...