Isang kahon ng baril, nakumpiska ng mga pulis mula sa isang bus terminal sa Quezon City

Kuha ni Jong Manlapaz

Naharang ng mga pulis ang isang kahon ng baril sa Ceres bus terminal sa New York Street, E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Ang mga baril ay ikinarga ni Felix Alcarde, retired Armed Forces of the Philippines (AFP) enlisted personnel, na papuntang Iloilo City para dalhin sa isang branch ng Onerca Security and Investigation Agency sa probinsya.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Superintendent Guillermo Eleazar, nagsasagawa ng Oplan Sita ang kaniyang mga pulis sa bus terminal nang lumapit sa kanila ang isang kundoktor ng bus para sabihin na may kinargang kahon sa kanilang bus na naglalaman ng iba’t ibang uri ng mga baril.

Nakumpiska ng QCPD ang tatlong shotgun at tatlong revolver na pawang may mga serial number, pero walang permit na kinuha ang agency para ibyahe ang mga baril.

Aalamin pa ng mga pulis kung lehitimong may mga lisensya ang mga nasabing baril habang sasampahan naman ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si Alcarde.

Sinubukan ng Radyo Inquirer na hingan ng pahayag ang suspek pero tumanggi ito.

Read more...