Nangyari ang insidente sa Bonifacio Global City sa Taguig City, kung saan hinarass ng nasabing lalaki na nakasuot ng athletic shirt at sombrero ng pulisya ngunit tadtad ng tattoo sa braso, ang isang buntis.
Ibinahagi ng babae na si Pinky Timbang Ortiz sa Facebook ang insidente na may kasama pang mga litrato ng lalaki, at ng plaka ng SUV na minamaneho nito.
Ayon kay Ortiz, binabagtas nila ng kasama ang McKinley Parkway at patawid na sana ng kabilang kalsada nang biglang huminto ang jeep sa kanilang harapan kaya napatigil rin sila.
Habang nakahinto, isang Toyota Fortuner na balak sanang lumiko pa-kanan ang biglang tumigil ilang pulgada na lamang ang layo sa sinasakyan nina Ortiz na tila ba nais silang banggain.
Pinagbu-businahan sila ng lalaki at gumamit pa ng emergency siren sa sasakyan niyang tadtad ng mga sticker ng PNP at may plakang ABH 5257.
Umabante sina Ortiz pero nag-overtake sa kanila ang SUV at doon na sila pinagsisigawan ng lalaki kasabay ng pagbabanta na dadalhin sila sa presinto dahil sa paglabag sa traffic light.
Ayon kay NCRPO director Oscar Albayalde, beberipikahin nila kung totoo ngang pulis ang lalaki, bagaman duda siya dito.
Aniya kasi, bagaman may mga tattoo ang ilan sa mga pumapasok sa serbisyo, hindi nila pinahihintulutan ang mayroong mga tattoo na lumalampas sa uniporme tulad ng sa lalaki.
Hinala pa ni Albayalde, lasing ang lalaki na posibleng police character o asset ng pulisya.
Ipinagbabawal aniya ang paggamit ng mga kasuotan ng pulis tulad ng shirt at sombrerong gamit ng lalaki.
Sakaling mapatunayang hindi siya pulis, maaring makasuhan ang lalaki ng usurpation of authority.