Ayon kay Roque, hindi nila babawiin ang kanilang pangako at hahayaan na lamang ang NPA na ilabas ang kanilang tunay na anyo bilang mga traydor.
Alinsunod aniya sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte, magpapatuloy ang idineklarang holiday ceasefire ng gobyerno hanggang sa Bagong Taon.
Gayunman, tiniyak pa rin ng tagapagsalita na hindi naman hahayaan ng pamahalaan na mamatay na lang sa kamay ng mga rebelde ang mga sundalo.
Kaugnay nito, maari pa ring gumamit ng pwersa ang mga sundalo bilang self-defense mula sa mga pag-atakeng patuloy na ikinakasa ng mga rebelde.
Matatandaang sa kabila ng pagdedeklara din ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng unilateral ceasefire, sinalakay pa rin ng mga NPA ang mga sundalo at nagtangka pang dukutin ang isang militiaman noong Pasko.
Samantala, bagaman tutupad sila sa pangakong tigil-putukan, nanindigan si Roque na hindi na muling babalik sa peace negotiations ang pamahalaan kasama ang mga komunistang rebelde.