Mga kontra martial law extension, walang alam-Calida

Iginiit ni Solicitor General Jose Calida na walang nalalaman tungkol sa tunay na sitwasyon sa Mindanao ang mga mambabatas na kumokontra sa isang taong pagpapalawig ng martial law sa rehiyon.

Sinabi ito ni Calida matapos magsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang mga minority congressmen upang magpatupad ng temporary restraining order laban sa martial law extension.

Ayon kay Calida, kumpara kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa karamihan ng mga miyembro ng Kongreso na sumang-ayon sa martial law extension, walang alam ang mga petitioners na pinangunahan ni Albay Rep. Edcel Lagman.

Sinuman aniya ang nagsasabing walang nagaganap na rebelyon sa Mindanao ay isang ignorante kaugnay ng totoong nangyayari sa rehiyon, o kaya ay nagpo-protekta sa pinakamahabang rebelyon sa bansa.

Giit pa ni Calida, ang validity ng martial law extension ay isang political question na naresolbahan na ng lehislatura.

Matatandaang sa inihaing petisyon ng mga taga-oposisyon sa Korte Suprema, sinabi nilang ang panibagong pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao ay dapat ideklarang “null and void” dahil wala namang “actual rebellion” na nagaganap sa rehiyon na magbibigay katwiran dito.

Read more...