Tuloy pa rin ang ceasefire ng gobyerno sa New People’s Army (NPA) sa bagong taon.
Ito ay kahit na nagtaksil ang teroristang grupo at umatake sa patrol base ng militar sa Compostela Valley noong December 25 kahit na umiiral ang Christmas ceasefire.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may isang salita ang gobyerno at tumutupad sa pangako.
Muling iiral ang tigil-putukan sa December 30 ng alas-6:00 ng gabi at tatagal ng hanggang January 2, 2018 ng alas -11:59 ng hatinggabi.
Sinabi pa ni Roque na dahil sa ginawang pagtataksil ng NPA, malabo nang matuloy pa ang alok ng gobyerno na usapang pangkapayapaan.
Aniya, “Dahil nga po sa katraydoran nila, baka malabo na po iyan, pero sa panig po ng mga Moro naman ay naniniwala tayo na makakamit natin ang mas matagalang kapayapaan.”
Hahayaan na aniya ng pamahalaan ang NPA na ipakita ang tunay nilang anyo na mga traydor ng bayan.
Bagaman iiral ang ceasefire sa New Year, binigyang diin ni Roque na hindi naman papayag ang mga sundalo na basta na lamang papatayin ng teroristang grupo at paiiralin ang self-defense.
Aniya, “…ang mandato po ng Presidente, tuloy pa rin ang ceasefire para sa Bagong Taon. Pero siyempre, hindi naman tayo papayag na … na papayag na lang tayo na patayin ang ating kasundaluhan ng ating mga kalaban, kung kinakailangan puwede silang gumamit ng dahas by way of self-defense.”