Eroplano na byaheng Tokyo, bumalik sa LA dahil sa ‘naligaw’ na pasahero

 

Napilitang bumalik sa Los Angeles airport ang isang commercial flight na patungo sanang Tokyo, Japan matapos madiskubre na may isa itong pasahero na nagkamali ng kanyang sinakyang eroplano.

Apat na oras nang nasa himpapawid ang commercial flight ng All Nippon Airways Flight 175 na may lulan na 226 na pasahero bago nadiskubre ang pagkakamali sa pasaherong naligaw ng byahe.

Dahil sa insidente, muling napilitan ang mga pasahero ng ANA flight 175 na tiisin ang karagdagang apat na oras na byahe pabalik ng Los Angeles.

Ayon sa pamunuan ng ANA, nadiskubre ng isang cabin crew na isa sa kanilang pasaherong sakay ay hindi pupunta ng Tokyo kaya’t agad nila itong ipinagbigay-alam sa piloto.

Dahil dito, nagpasya ang piloto na ibalik ang eroplano sa Los Angeles bilang bahagi ng security protocol sa kabila ng katotohanang nasa ibabaw na ito ng Pacific Ocean.

Dahil sa pagkadismaya sa pangyayari, marami sa mga pasahero ang idinaan sa live-tweet ang insidente.

Kabilang na dito ang supermodel at tv personality na si Krissy Teigen at ang kanyang asawang si John Legend.

Agad namang naglunsad ng imbestigasyon ang ANA upang matukoy kung paano nakalusot sa security at check-in hanggang sa tuluyang makasakay ng maling eroplano ang hindi kinilalang pasahero.

Read more...