Pag-atake ng NPA sa mga sundalo noong Pasko, binatikos ni Pangulong Duterte

 

Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang New People’s Army (NPA) dahil sa paglabag nito sa ipinatupad nilang unilateral holiday ceasefire.

Tinawag pa ni Pangulong Duterte na mayayabang ang mga rebeldeng NPA na matataas ang tingin sa sarili kung magsalita.

Inatake ng mga NPA sa Davao Oriental at Compostela Valley noong Pasko ang mga sundalo at tinangka pa umanong dukutin ang isang militiaman.

Noong Pasko ng umaga, tinatayang nasa 30 rebelde ang nagtangkang tangayin si Arbilito Catampao na isang militiaman at residente ng Barangay Tubaon sa Tarragona, Davao Oriental.

Sa kabutihang palad ay nagawang makatakas ni Catampao at nakaiwas sa pagdukot sa kaniya ng mga rebelde.

Samantala, base sa ulat ay sinalakay naman ng NPA Guerilla Front 34 ang Melale Patrol Base na nasa ilalim ng 72nd Infantry Battalion sa bayan ng Laak, Compostela Valley.

Naganap ito gabi ng Pasko, pero nagawa silang pigilan ng mga sundalo sa layong 250 metro mula sa kanilang base, at napaatras din ang mga rebelde.

Wala namang naitalang nasugatan sa hanay ng mga militiamen at sundalo, ngunit pinaniniwalaan nilang may ilang rebeldeng nasugatan sa engkwentro na tumagal lang ng dalawang minuto.

Read more...