Mga nakatatanda, dapat ilayo ang mga bata sa paputok – DOH

 

Habang papalapit nang papalapit ang pagsalubong ang Bagong Taon, muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga nakatatanda lalo na sa mga magulang laban sa pagpapahintulot sa mga bata na gumamit ng paputok.

Umapela si Health Sec. Francisco Duque III sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak upang maiwasan ang mga firecracker-related injuries, at kung maaari ay huwag nang pagamitin ang mga ito ng mga paputok.

Ayon kay Duque, kinabukasan ang nakasalalay dito at wala na aniyang lunas sa pagkawasak nito dahil sa paputok.

Isipin na lang aniya ng mga nakatatanda o ng mga magulang na lalaki ang mga batang mapuputukan nang walang kamay, braso o binti kapag tinamaan ng paputok.

Tiyak ani Duque na mahihirapan ang mga bata na mag-aral at maging produktibo sa kanilang buhay.

Ganito rin ang paalala naman ng kalihim sa mga manginginom na naglalasing habang gumagamit ng paputok.

Ani Duque, baka sa labis na kalasingan ay sa halip na paputok, ang sigarilyo o ang ginamit na pangsindi ang maihagis at maiwan sa kamay ang sinindihang paputok na posibleng maging sanhi ng disgrasya.

Dagdag ni Duque, mahirap maghanap buhay nang walang kamay.

Dahil dito, tanong ng kalihim sa mga mahilig magpaputok: “Aanhin mo ang panandaliang kasiyahan kapalit ang kinabukasan mo at ng iyong pamilya?”

Pero para sa mga hindi talaga maawat sa pagpapaputok, sinabi na lang ni Duque na kapag sila ay nasugatan, agad hugasan ang sugat gamit ang malinis na tubig hanggang sa mawala ang lahat nang nakikitang dumi o pulbura.

Kasunod nito ay dapat agad na sumugod sa ospital, maliit man o malaki ang natamong sugat.

Hayaan na aniya ang mga doktor na magdesisyon sa kung ano ang dapat gawin sa natamo nilang sugat upang maiwasan ang paglubha ng impeksyon.

Read more...