Sa petisyon ng grupon na pinangunahan ni Albay Rep. Edcel Lagman, hiniling nito na maglabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction para pigilan ang implementasyon ng batas militar umpisa sa january 1, 2018 hanggang December 31, 2018.
Kasama sa mga petitioner sina Caloocan Representative Edgar Erice, Ifugao Representative Teddy Baguilat Jr., Capiz Representative Emmanuel Billones, Magdalo party-list Representative Gary Alejano, at Akbayan party-list Representative Tomasito Villarin.
Nanindigan ang grupo na walang sapat na basehan sa pagpapalawig ng martial law dahil wala namang aktuwal na rebelyon sa mindanao.
Iginiit ng grupo na ang sinasabing banta ng karahasan ng mga natitirang terorista sa rehiyon ay hindi maituturing na constitutional basis para sa extension dahil ang “imminent danger” ay tinanggal na bilang dahilan para sa pagpapatupad ng martial law sa ilalim ng 1987 Constitution.
Dagdag pa ng mga petitioner, hindi pinahihintulutan sa saligang batas ang paulit ulit na pagpapalawig sa proklamasyon ng martial law na posibleng magresulta sa walang katapusan na extension.
Kahit anila hindi palawigin ang martial law, may kapangyarihan ang pangulo bilang commander in chief na utusan ang militar na pigilan ang karahasan, pananakop o rebelyon sa mindanao.
Pinangalanan bilang respondent sa petisyon sina Senate president koko Pimentel, house speaker pantaleon Alvarez, Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Budget Secretary Benjamin Diokno at Armed Forces of the Philippines chief of staff General Rey Leonardo Guerrero.
Mayroong 30 araw ang sc mula sa filling ng petisyon para maglabas ng desisyon.