Nalulungkot si Pangulong Rodrigo Duterte dahil magtatapos ang taong 2017 na puno ng pighati at pagdadalamhati.
Partikular na tinutukoy ng pangulo ang sunud-sunod na trahedya sa Pilipinas gaya na lamang ng nagdaang bagyong Urduja at Vinta kung saan nasa dalawang daang katao ang nasawi.
Maging ang sunog aniya sa Davao City na ikinaswi ng tatlumpu’t- walo katao at ang aksidente sa Agoo, La Union kung saan dalawampu naman ang nasawi.
Sa pakikipagpulong ng pangulo sa mga lokal na opisyal sa Tubod, Lanao del Norte kahapon, personal nitong ipinaabot ang kanyang pakikiramay para sa mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa trahedya.
sinabi nito na hindi naging maganda ang Pasko para sa lahat.
“Napakalungkot ho sabihin but we have been — we ended or we will end the 2017 with a bang of so many deaths of the Filipinos, ranging from careless to accidents and the typhoons. There seems to be a sorrow prevailing in the country today and it was not already a good Christmas day for all of us, thinking that there are persons suffering.” Ayon sa pangulo.
Ipinapanalangin ng pangulo na sana ay maging maganda ang pagpasok ng taong 2018.
Bukod sa mga nasawi sa mga sunod sunod na trahedya, aminado ang pangulo na hindi madali ang muling makabangon muli pero pipilitin aniya ng gobyerno na agad na maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga apektadong residente.
Tiniyak pa ng pangulo na mayroong sapat na pondo ang Department of Social Welfare and Development maging ang Department of Agriculture para ayudahan ang mga magsasaka na nasiraan ng mga pananim dahil sa bagyo.
Pagkatapos sa Tubod, binisita rin ng pangulo ang Cagayan de Oro na isa rin sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Vinta.