Patuloy ang pagdagsa ng mga namamasyal sa Quezon Memorial Circle.
Ayon kay SPO1 Edmundo Rizon, Supervisor ng Quezon City Police sa lugar, pumapalo na sa 70,000 ang kabuuang bilang ng mga tao sa naturang pasyalan.
Asahan pa aniya ang pagdagsa ng mga tao dahil sa mga nakalinyang aktibidad sa lugar.
Sa ngayon, abala sa paglalaro ang mga chikiting sa ilang rides handog ng iba’t ibang amusement park sa lugar tulad ng Fish spa, 4D theater, sumakay sa Skybike, Carousel, Dolphin o duck boat, Go-kart at iba pa.
May ilan din na piniling mag-picnic at magsalu-salo ng dala nilang pagkain para buong mag-anak.
Maliban sa iba’t ibang aktibidad na mapaglilibangan sa mga pasilidad, kabi-kabila rin ang mga tiangge para sa mga humahabol sa pagbili ng Christmas gift ngayong taon.
Ayon kay Con Belmonte, 38-anyos, tradisyon na ng kanilang pamilya ang pagdiriwang ng Pasko sa lugar kung kaya’t hindi na alintana ang init at sikip dahil sa dami ng tao.
Importante aniya ang mapasaya ang mga anak dahil minsan lang aniya sa isang taon sumasapit ang Kapaskuhan.
Samantala, aabot sa tatlumpu’t tatlong opisyal ng Quezon City Police District ang nagka-antabay para matiyak ang kaligtasan sa lugar.
Mayroon anilang iilan na napaulat na kaso ng pagkaligaw ng mga bata ngunit kalaunan ay nahahanap naman anila ang mga kasamahan.
Bunsod nito, nagpaalala si Rizon sa mga magulang na kung maaari ay lagyan ng numero ng kanilang cellphone ang bulsa ng kanilang mga bata para kung sakaling maligaw ang mga bata, madaling makakausap at mahahanap ang mga kasamahan nito.
Dagdag pa nito, dapat maging mapagmatyag at alerto ang publiko pagdating sa mga dalang gamit laban sa mga magnanakaw at masasamang-loob.