Hindi papatawan ng suspension sa kanilang prangkisa ang Partas Bus kaugnay sa pagkakasangkot nito sa isang aksidente kanilang madaling araw na ikinamatay ng 20 katao sa Agoo, La Union.
Sa kanilang advisory, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na base sa mga paunang imbestigasyon ay hindi maituturing na kasalanan ng tsuper ng bus ang aksidente.
Ang jeepney na sinasakyan umano ng mga biktima ang nag-swerve na naging dahilan ng pagsalpok nito sa nakasalubong na Partas Bus.
Gayunman ay tutulong ang LTFRB para makipag-ugnayan sa Partas Bus Company sa kung anong tulong ang pwede nilang ibigay sa mga biktima.
Pero nilinaw ng LTFRB na hindi ito obligasyon ng nasabing bus company lalo’t lumilitaw na hindi nila kasalanan ang nasabing aksidente.
Sinabi naman ni Diosdado Magpili, pinuno ng Municipal Risk Reduction and Management Council sa bayan ng Agoo na dahil sa tindi ng head-on collision ay kaagad na namatay sa pinangyarihan ng banggaan ang ilan sa mga biktima.
Mula sa La Union ay papunta sana sa Manaoag Church sa Pangasinan ang mga biktima ng maganap ang aksidente samantalang byaheng Pagudpod naman sa Ilocos Norte ang Partas Bus.