Magkatuwang na iimbestigahan ng National Bureau of Investigation Davao Regional Office at isang unit sa NBI Manila Office ang naganap na sunog sa NCCC Mall sa Davao City kung saan pinaniniwalaang 37 katao ang namatay.
Ito ay base sa direktiba ni NBI Director Dante Gierran na inatasan naman ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ii na magsagawa ang NBI ng hiwalay na imbestigasyon ukol sa trahedya.
Layon ng pag-iimbestiga ng NBI na mabigyan linaw ang pangyayari at mabatid kung mayroon dapat papanagutin.
Sinabi naman ni Nic Suarez, ang tagapagsalita ng NBI na kasama sa pag-iimbestiga nila ang forensic investigation.
Nauna nang sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na mananagot sa batas ang mga may pagkukulang kung bakit naganap ang sunog sa nasabing mall.