Walang nagtinda ng isda sa Navotas fish port ngayong araw bilang bahagi ng pagpapatupad ng fish holiday ng mga mangingisda at fish vendors.
Ang nasabing fish holiday ay pagpapakita nila ng pagtutol sa bagong probisyon sa fisheries code na anila ay magpapatupad ng mas mahigpit na alituntunin sa mga mangisngisda.
Panawagan ng grupo, dapat ihinto munang gobyerno ang pagpapatupad ng mas mahigpit na alituntunin sa paghuli ng isda sa Manila Bay at sa halip ay isangguni muna ito at hingin ang panig ng mga nagtitinda at nanghuhuli ng isda.
Ayon kay Paul Santos, vice president ng Alliance of Philippine Fishing Federation Inc., partikular nilang tinututulan ang epekto ng Republic Act 10654 sa mga big time players at medium at small fishing group.
Sa ilalim ng nasabing batas ang mga mangingisda ay pinapayagan lamang makapanghuli sa lagpas sa 15 kilometers mula sa shoreline.
Ayon kay Santos, sa karanasan ng mga mangingisda, kapag lagpas na sa 7 kilometers mula sa shoreline ay bibihira na ang mga nahuhuling isda gamit ang pamingwit at lambat.
Ang nasabing fish holiday sa Navotas fish port ay tatagal pa hanggang bukas.