Kinailangan kasing ilipat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan ang mga internally displaced persons (IDPs) sa ilang mga school buildings sa Lanao del Norte.
Ito ay bunsod ng paghagupit ng bagyong Vinta sa rehiyon ng Mindanao.
Sa pinakahuling ulat ng DSWD Filed Office 10, nasa 99 na mga bakwit mula Balono Evacuation Centers ang kinailangang ilipat sa Baloi Central School dahil sa pinsalang idinulot ng hangin ng bagyo sa mga tents ng mga ito.
Tatlumpu’t limang katao naman mula Momongan Learning Center ang inilipat sa Pacalundo Elementary School dahil sa pagbaha.
Dahil sa pagkasira rin ng tents sa Pantar, Lanao del Norte, inilipat din ang mga IDPs sa loob ng multi-purpose hall malapit sa tent city.
Patuloy naman ang pagtulong ng DSWD at mga lokal na pamahalaan sa mga biktima ng bagyo.
Naglaan ang kagawaran ng P4,989,110 habang ang mga LGU naman ay nagpaabot din ng tulong na nagkakahalaga ng P647,467.
Hinihikayat naman ni DSWD Officer-in-charge (OIC) Emmanuel A. Leyco ang publiko na tumulong sa repacking ng relief goods para sa mga biktima ng mga bagyong Urduja, Vinta at ng Marawi siege.