Sa inilabas na pahayag ng pangulo, inalala niya ang pagdating ni Hesukristo bilang katuparan sa pangako ng Diyos tungkol sa tagapagligtas na sasagip sa sangkatauhan mula sa kasalanan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng mga Pilipino nang may lubos na kasiyahan ang Pasko.
Sa panahong ito, sinabi ng pangulo na karaniwang isinasantabi muna ng mga Pinoy ang mga araw-araw na gawain upang makapaglaan ng panahon kasama ang mga mahal sa buhay.
Dito rin sa panahong ito namamahagi ang mga tao ng biyaya sa pamamagitan ng mga regalo sa kanilang mga kaibigan at kaanak, pati na rin sa pagdaraos ng salu-salo sa kani-kanilang mga tahanan at komunidad.
Panawagan ng pangulo, na sa gitna ng kasiyahang ito ay sana maalala ng mga Pinoy ang mga kapatid na nangangailangan upang maging instrumento ang lahat ng pagbuti ng buhay ng kapwa.
Ngayong Pasko aniya ay ipagdiwang ang pagkabuhay ni Kristo sa paghanap sa puso sa tunay na diwa ng Kaniyang kapanganakan at pagsasabuhay sa pagmamahal ng Maykapal.
Hiling ni Pangulong Duterte na magkaroon ng masaya, mapayapa at makabuluhang Pasko ang lahat ng mga Pilipinong nagdiriwang ngayong araw.