DSWD, nanawagan ng dagdag tulong mula sa mga volunteers

Hindi napigil ng pagdiriwang ng holiday ang pagtulong ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga nasalanta ng bagyong Vinta.

Para mas mapabilis ang pamimigay nila ng tulong sa mga biktima ng kalamidad, nag-post na sa kanilang social media accounts ang DSWD upang manawagan sa mga nais mag-volunteer.

Bagaman may mga sariling tauhan kasi, nangangailangan pa rin ng dagdag na tulong ang DSWD upang mas mapabilis ang pamamahagi ng ayuda sa mga tao.

Matatandaang nasa 200 katao ang nasawi dahil sa bagyong Vinta na kahapon lang ng tanghali nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Lubhang naapektuhan ang mga residente sa Regions 9, 10, 11, CARAGA at MIMAROPA dahil sa bagyong Vinta, na sumunod naman sa bagyong “Urduja” na nanalasa naman sa Visayas.

Ayon sa DSWD, 500 volunteers kada isang araw ang kanilang kinakailangan para sa pagre-repack ng mga relief goods sa DSWD-National Resource Operations Center sa NAIA Chapel Road, Pasay City mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:30 ng gabi.

Hinihikayat nila ang mga volunteers na magpunta nang isang grupo at mag-bahagi ng hindi bababa sa apat na oras sa pagtulong sa kanila.

Paalala naman ng kagawaran na tumawag muna sa NROO sa 553-9864 at 09189302356, at na huwag magsuot ng mga “provocative attires” at tsinelas.

Pinapayuhan din sila na magdala ng sarili nilang tubig at pagkain sa loob ng pasilidad.

Read more...