Sunog sa mall sa Davao City, pinasisiyasat sa NBI

Ipinag-utos na ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang nangyaring sunog sa Davao City.

Hindi kasi bababa sa 37 katao ang nasawi, kabilang ang mga empleyado ng call center sa pagkasunog ng New City Commercial Center (NCCC).

Bumisita na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kaanak ng mga biktima, at siya mismo ang nagbalita sa mga ito na malabo na ang pagkakataon na may naka-survive pa sa nangyaring sunog.

Nagsimula ang sunog alas-7:00 pa ng umaga ng Sabado.

Samantala tiniyak naman ng kumpanyang SSI na call center na nasa loob ng mall, na magtatayo na sila ng command center para sa mga kaanak ng mga biktima.

Ayon kay Davao City fire marshall Honeyfritz Alagano na posibleng nagmula sa spark sa ikatlong palapag ng mall ang sunog.

Dahil aniya walang ventilation sa loob ng mall, nang pumasok ang mga bumbero ay sinalubong sila ng apoy at makapal na usok.

Kabilin-bilinan ni Davao City Mayor Sara Duterte sa mga bumbero, huwag titigil hangga’t hindi nakukuha ang 37 na mga bangkay.

Read more...