(Update) Nagpapatuloy ang rescue operations ng Bureau of Fire Protection (BFP) para mailigtas ang 29 kataong na-trap sa loob ng nasusunog na mall sa Davao City na nagsimula pasado-alas nueve ng umaga kanina.
Ayon kay City Fire Marshall F/Supt. Honee Fritz Alagano, sa 30 na-trap sa NCCC Mall ay isa pa lamang ang nakikita.
Patuloy aniya nilang hinahanap ang 29 na iba pa na naririnig ng mga bumbero na humihingi ng tulong.
Ayon pa kay Alagano, hirap ang mga rescuers na pasukin ang naturang mall dahil sa kapal ng usok. Makalipas ang siyam na oras ay nagpapatuloy pa rin ang sunog.
Isa umanong rason sa pagpapatuloy ng naturang sunog ay ang pagkakaroon ng puro combustible materials sa ikatlong palapag ng mall.
Dito rin ang sinasabing lugar na pinagsimulan ng sunog. Dahil dito ay nakataas na ang general alarm.
Tumutulong ang mga miyembro ng BFP mula sa Panabo, Tagum, at Digos City sa pag-apula ng naturang sunog.
Ang ilan sa mga naapektuhan ng sunog ay isinugod sa Southern Philippine Medical Center makaraan siyang masuffocate ng makapal na usok.
Sinasabi sa paunang ulat na mga empleyado sa SSI call center na nasa ika-apat na palapag ng mall ang na-trap sa nasabing sunog..
Nahirapan ang mga bumbero na apulain ang sunog dahil sa kawalan ng ventilation ng nasabing mall.
Gumamit na rin ng breathing apparatus ang mga bumbero para mapasok ang nasusunog na mall.