Paliwanag ng bagong talagang chairman at chief executive officer ng ERC na si Agnes Devanadera, kailangan ang presensya ng hindi bababa sa tatlong miyembro ng komisyon upang makabuo ng quorum.
Sa ganitong paraan lang kasi aniya maaring mag-adopt ang ERC ng anumang ruling, resolusyon, kautusan o desisyon, dahil isa silang collegial body.
Maari aniyang magkaroon ng mga brownouts at blackouts hindi lang sa mga lalawigan kundi pati sa Metro Manila kung hindi nila agad na maaaksyunan ang mga nakabinbing petisyon.
Nabanggit ni Devanadera na mayroon pang P1.59 bilyong halaga ng power service applications na nangangailangan ng agarang atensyon.
Tiyak din aniyang makakaapekto ang suspensyon ng mga opisyal sa capital expenditures ng mga kumpanyang sangkot sa mga posibleng iregularidad tulad na lamang ng Meralco.
Matatandaang kamakailan ay inihain ang suspensyon kina Commissioners Alfredo Non, Gloria Yap-Taruc, Josefina Patricia Magpale-Asirit at Geronimo Sta. Ana.
Dumudulog na ang ERC kay Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa problemang ito.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ikinukonsidera na ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang pagsibak sa apat na opisyal upang makapagtalaga na ng mga papalit sa kanila at nang hindi maantala ang operasyon ng ERC.
Sa ngayon, pinag-aaralan munang mabuti ni Medialdea ang mga basehan ng suspensyon sa apat na opisyal bago siya magdesisyon.