Dahil Pasko at para maiwasan ang Constitutional Crisis sa gitna ng holiday celebration, nagdesisyon ang Senado na sundin ang utos ng Korte Suprema na pakawalan si Aegis Juris Fraternity leader Arvin Balag Huwebes ng gabi.
Kinumpirma ni Senator Panfilo Lacson, Chairman ng Senate Public Order and Dangerous Drugs, na ipinaalam sa kanya ng Senate Office of Sergeant at Arms ang release ni Balag.
Ayon kay Lacson, may karapatan ang Senado na obligahin ang witness at resource person na tumestigo sa kanilang pagdinig sa ilalim ng Konstitusyon.
Sa ngayon ay iginalang muna ng Senado ang Supreme Court Resolution na nag-utos ng interim release ni Balag bago ang final ruling ng Korte sa kaso.
Pero sinabi ng Senador na hindi isinusuko ng Senado ang kanilang karapatan at pag-uusapan nila ang kalayaan ni Balag sa tamang panahon.
Alas-7:00 Huwebes ng gabi nang sumailalim si Balag sa medical check-up bilang bahagi ng protocol ng paglaya nito mula sa kustodiya ng Senado.
Paglilinaw ni Lacson, hindi pa umano lusot si Balag na Grand Praefectus o Presidente ng Aegis Juris Fraternity ng UST Faculty of Civil Law na isinasangkot sa pagpatay sa UST Law freshman na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.