Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na hindi huhulihin ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na bababa mula sa mga bundok para magdiwang ng Pasko kasama ang kanilang mga pamilya sa panahon ng unilateral ceasefire.
Ito ang pahayag ni Dela Rosa matapos ianunsyo ng Department of National Defense (DND) na magkakaroon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng suspension of offensive military operations o SOMO kontra sa NPA.
Ito ay magiging epektibo simula alas sais ng gabi bukas hanggang alas sais ng gabi ng December 26, ganun din mula December 30 hanggang January 2, 2018.
Ayon kay Dela Rosa, dahil magkatuwang sa internal security operations ang AFP at PNP ay kapwa sila titigil sa opensiba laban sa NPA.
Ayon pa sa PNP Chief, dahil sa pagdedeklara ng Pangulo ng ceasefire ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga pulis at militar, maging mga rebeldeng komunista na makasama ang kanilang pamilya ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Tanging kundisyon lamang ay ang hindi pagdadala ng armas ng mga NPA, ang pagtitiyak na wala itong gagawing anumang krimen o paglabag sa batas, at dapat ay walang pending na warrant of arrest ang mga ito. (Justinne)