Mariing itinanggi ng international news organization na Reuters ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na binigyan lamang sila ng limitadong oras para tumugon sa kanilang mga katanungan.
Matapos kasing ilabas ng Reuters ang kanilang report tungkol sa mga pagpatay ng mga tinaguriang “Davao Boys” na nakatalaga sa narcotics unit ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6, pinaratangan ni Roque ang Reuters ng “bad journalism” at tinawag na “foul” ang ulat.
Ayon kay Roque, binigyan lamang siya ng isang oras ng Reuters reporter para magbigay ng komento tungkol sa ulat.
Hindi na aniya siya nagbigay ng tugon dito dahil para sa kaniya, maituturing na bad journalism ang pagsusulat ng isang ulat pagkatapos ay bibigyan lamang ng limitadong panahon ang gobyerno para maibigay ang kanilang panig.
Gayunman, itinanggi ng Reuters ang mga sinabi ni Roque.
Sa kanilang inilabas na pahayag, iginiit ng Reuters na nagpadala sila ng mga katanungan sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte isang linggo bago nila ilathala ang artikulo.
Kinumpirma pa anila ng Office of the President na natanggap na nila ang kanilang mga katanungan.
Sa pamamagitan ng mga tawag at email, ilang beses sinubukan ng Reuters na mag-follow up ngunit hindi naman sila sinagot ng opisina.