P10-M na gastos umano ng PCSO sa Christmas party, sisiyasatin ng Malacañang

 

Ipasisiyasat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alegasyon na gumastos ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng P10 milyon para sa pagdiriwang ng Christmas party kamakailan.

Mismong si PCSO board member Sandra Cam ang nagbunyag ng nasabing impormasyon tungkol sa marangyang Christmas party na ginanap noong Martes sa EDSA Shangri-La.

Ayon pa kay Cam, hindi siya dumalo sa nasabing party bilang pag-protesta.

Dahil dito, sinabi ni Presidential Spkesperson Harry Roque na kakausapin niya ang mga opisyal ng PCSO tungkol sa naging gastos sa party.

Ikinonsidera din naman ni Roque ang pagiging nationwide ng PCSO na posibleng dahilan kung bakit pumalo sa ganitong halaga ang ginasta ng ahensya para sa Christmas party.

Depensa naman ni PCSO General Manager Alexander Balutan, hindi magarbo ang party, kasunod ng paglilinaw na P6 milyon lamang ang kanilang budget para sa naturang event.

Dagdag pa niya, karapatdapat lang na maranasan ng 1,580 na empleyado ng PCSO ang nasabing pagdiriwang dahil sa kanilang matinding pagtatrabaho dahilan para tumaas ang kita ng ahensya.

Gayunman ay ipinaalala pa rin ni Roque sa lahat na senisitibo si Pangulong Duterte sa mga ganitong ulat tungkol sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.

Hindi aniya kinukunsinte ng pangulo ang ganitong karangyaan, kaya may kautusan man o wala, tiyak na ipasisiyasat ng pangulo ang isyu.

Read more...