Pansamantala munang hindi inilalabas ng Philippine Coast Guard ang pangalan ng mga namatay na pasahero ng lumubog na Mercraft-3 sa karagatang bahagi ng Real, Quezon at Polillo Island.
Nauna nang sinabi ng ilang mga nakaligtas na pasahero na maayos naman ang lagay ng panahon nang sila ay umalis sa pantalan ng Real, Quezon pasado alas-nueve ng umaga.
Pero makalipas ang halos ay isang oras na pagalakbay ay bigla na lang umanong lumakas ang alon sa karagatan.
Bigla na lamang huminto sa gitna ng dagat ang Mercraft-3 bago ito hinampas ng malalaking alon.
Sinabi pa ng ilang mga nakaligtas na pasahero na mabilis na pinasok ng tubig ang ilalim na bahagi ng fastcraft na naging dahilan ng paglubog nito.
Umaabot na sa mahigit sa 100 mga pasahero ang nailigtas ng mga rescuers sa tulong ng mga lokal na mangingisda sa lugar.
Sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesman Armand Balilo na hindi kaagad makapunta sa lugar ang kanilang mga air assets dahil sa masamang lagay ng panahon.
Pero tiniyak ng opisyal na tuloy ang kanilang search and rescue operation kahit na umabot ng gabi.