Passenger boat na may 250 pasahero lumubog sa Quezon

Inquirer file photo

Nagpadala na ng anim na mga fastcrafts at rescue boats ang Philippine Coast Guard sa lalawigan ng Quezon para sa pagsagip sa halos ay 250 pasahero ng lumubog na passenger boat sa lugar.

Sa inisyal na report, sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesman Commander Armand Balilo na lumubog ang Mecraft-3 pasado alas-onse ng umaga sa pagitan ng Dinahican Point sa Infanta at Agta Point sa Isla ng Polillo.

Ang nasabing sasakyang pandagat ay bumibyahe sa rutang Real, Quezon papunta sa nasabing isla.

Bagaman walang bagyo sa lugar, sinabi ni Balilo na nananatiling malakas ang alon ng karagatan sa lalawigan ng Quezon.

Inamin rin ng opisyal na may mga natanggap na silang report kaugnay sa ilang mga narekober na bangkay pero tumanggi muna siyang sabihin kung ilan ang mga ito habang nagpapatuloy ang isinasagawang search and rescue operation sa lugar.

Tiniyak rin ni Balilo na magpapatuloy ang pagsagip sa mga sakay ng lumubog na passenger boat kahit na sumapit ang gabi.

Nagpadala na rin ng tulong ang Southern Luzon Command sa ginagawang pagliligtas sa mga pasahero.

Read more...