Pinaiksi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unilateral ceasefire sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa halip na sampung araw na ceasefire na magsisimula sa December 24, 2017 hanggang January 2, 2018 ito ay binago ng pangulo.
Ipatutupad na lamang aniya ang tigil-putukan simula sa December 23, 6:00 p.m. hanggang December 26, 11:59 p.m at mula December 30, 6:00 p.m. hanggang January 2, 11:59 p.m.
Kasabay nito, ipinauubaya na ni Roque sa publiko ang pagpapasya kung maniniwala sa pahayag ni Communist Party of the Philippines founding Chairman Jose Maria Sison na sham o peke lamang ang idineklarang unilateral ceasefire ni Duterte teroristang grupo.
Ayon kay Roque, hindi naman para kay Sison ang ideneklarang tigil-putukan kundi para sa mga tao upang mabawasan ang alalahanin ng mga ito ngayong panahon ng Pasko.
Hindi na umano dapat ipagtaka kung hindi na nararamdaman ni Sison ang diwa ng Pasko sa Pilipinas dahil ang tagal na rin itong naninirahan sa ibang bansa.
Binigyan diin ni Roque na dapat pa nga ay ipagpasalamat nito ang deklarasyon ng suspension of military operation dahil kung tutuusin pwede naman hindi na nagdeklara ang pangulo ng ceasefire.